Ngiti (Tagalog Poem)


Umuulan na naman
Tahimik na pinagmamasdan
Mga patak ng ulan
Habang tulala sa kawalan

Mga patak ng ulan
Humahalik sa aking pisngi
Ikaw kaya’y nasaan?
Malalim na pala ang gabi

Di man ito ang unang beses
At hindi rin ang huli
Na walang marinig na boses
Kundi pigil na hikbi

Pagkat ang lamig ng ‘yong yakap
Ay sapat na sa akin
Sana lang ay muling mahanap
Ang dati mong pagtingin

Pilit na nakatindig
Wala na yatang mas sasakit
Sa pag-asa kakapit
Makamit limos na pag-ibig


Bumuhos na ang ulan
Di masilayan ni anino
Ng taong syang dahilan
Kung bakit bumuhos ang ulan

Bumuhos na ang ulan
Tulala parin sa kawalan
Manhid na pagkatao
Tuod na ang pusong nasaktan

“Alam ko naman ang totoo”
“Ngunit ba’t nagtitiis?”
“Ikaw lang ang laman ng puso”
“Ano bang nagawa ko?”

Ang ula’y marahang tumila
Simoy ng hangin ay nag-iba
Kahit mapusyaw mga ala-ala
Makalimot ay hindi ‘rin magawa

Nahawi ang itim na ulap
Ngunit tuloy ang daloy ng luha
Bakit pa kasi hinahanap
Ang taong sanhi ng pagdurusa?


Kasabay ng bagong umaga
Ay mainit na palad sa ‘king mukha
Ang katabi mula kanina
Ay syang nagtutuyo sa mga luha 

“Umuwi na tayo, sinta“
Sambit nya sa gitna
ng pagod na ngiti
Powered by Blogger.