Ang Ibong Makata
Marahil ito ay hindi mo ramdam,
Damdaming nakatago’y walang nakakaalam,
Tila sa sarili’y nagmistulang isang paham,
Sa ngayon sa akin ito ay mainam.
Hanggang kailan kaya mamamalagi?
Hanggang saan kaya hindi mawawari?
Pagtagpuin kaya ng ating mga labi,
Salitang nais sambitin kaya’y mamumutawi?
Ang maghintay sa iyo ba’y isang pangarap?
O katotohanang sa tamang panahon magaganap?
Isa ka bang puno at ako’y isang ibong mailap?
Na dumadapo lamang kapag nais ng paglingap?
Hindi, ginoo! Ito’y hindi ko ginusto,
Sadyang nararamdaman ay hindi isang biro,
Sa mahabang panahon pinilit kong itago,
Sa lupa’y ibinaon ngunit tila isinugo.
Sa huling panahon ito’y nais kong isigaw,
Sa lahat ng tao at kalikasa’y magbabalik-tanaw,
Iningatang sarili’y hindi mamamanglaw,
Pag-ibig ko’y para sa iyo hanggang sa aking pagpanaw.
- aponibalagtas
Leave a Comment